PCSD
Palawan Council for
Sustainable Development


Mga Mameng at Señorita, Balik-dagat Na
ni Celso S.Quiling

Marso 5, 2009 – Isandaan-at-labintatlong (113) mga mameng (Humphead wrasse), 83 senorita (Panther fish) at 26 na mga suno (grouper) ang pinakawalan balik sa dagat matapos na ito’y matuklasan ng pinagsanib na pwersa ng PCSD, PNP-Maritime, PNP-Roxas, MAO-LGU, Barangay II officials, at Provincial Prosecutor’s Office mula sa isang illegal fish cage operation. Ang mga mameng ay pinakawalan malapit sa isla ng Pagbo Daku, Poblacion, Roxas, Palawan, kamakailan. Hindi na nagpakita sina Afredo Abonales III at Annabelle Pelitro, ang diumano’y mga may-ari ng illegal na operasyon habang isinagawa ang aprehensyon. Batay sa ulat ang mga may-ari ay lumabag sa probisyon ng Prov’l. Ordinance 941(pagbabawal sa paghuli mameng), at sa paglabag sa Section 97 ng R.A. 8550 (Pagsuli ng mga endangered species) at pag-ooperate ng fish cage na may expired ng PCSD Accreditation.




Matagal ding minanmanan ng mga operatiba ang operasyon. Napag-alamang mahigit dalawang araw nang nakapwesto sina PO2 Rolly Buncag at Ronald Lavarias, mga tauhan ng PNP-Maritime at ng naging positibo ang surveillance, pinakilos na ang multi-partite enforcement team para isagawa ang operasyon. Batay sa PCSD Admin. Oder No. 5 – kailangang i-dispose ang mga buhay at maayos pang mga isda balik sa “wild” para muling dumami pa sa karagatan. Buong suporta naman ang ibinigay ni Bgy Chairman Guillermo Nillasca Jr. na kasamang nagpapakawala sa mga isda. Napag-alamang ang mga isda ay nanggaling pa sa Araceli at dinala sa nasabing fish cage sa Roxas upang doon alagaan at padamihin hanggang umabot diumano sa 400 piraso, ang tamang bilang ng isda upang pwede na itong iluwas palabas ng bansa sa pamamagitan ng transshipment point sa Ilo-ilo kung saan legal ang trading ng ganitong mga isda, at sa Balabac at Mindoro.